Oil price hike sobra na!

Umangal na si Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Zarate sa sobra at hindi na katanggap-tanggap ang oil price increases dahil walang ibang apektado nito kung ‘di ang mga consumer at walang ginagawang aksyon ang gobyerno.

Pasado alas-sais ng umaga kahapon ay sabay-sabay nagpatupad ang Pilipinas Shell, PTT Corporation, Flying V, Seaoil at Phoenix Petroleum ng taas-presyo na P.025 kada litro ng gasolina at tig-P0.55 sa kada litro ng diesel at kerosene.

Idinahilan ng mga kompanya ng langis na ang taas-presyo sa kanilang mga produkto ay dahilan sa gumalaw na presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

“This is really too much for consumers who have endured almost 3 months of oil price hikes and this would be higher if the tax reform package would be approved,” reaksyon ni Zarate.<

Isang patunay umano ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na bigo ang Downstream Oil Deregulation Act of 1998 sa layunin nito pero ayaw galawin ng gobyerno ang nasabing batas.

May panukala sa Kamara ang Makabayan bloc para bawiin ang Petron na dating pag-aari ng gobyerno at para ibalik sa dating sistema ang oil industry at magkaroon ng centralized procurement sa mga produktong petrolyo pero hindi anya gumagalaw sa Kongreso.

Hangga’t hindi anya kumikilos ang gobyerno at maging ang Kongreso ay patuloy na bibigat ang buhay ng mga consumer dahil sa domino effect ng oil price increases sa presyo ng mga bilihin.
Comments
Post a Comment